Monday, January 11, 2010

Siya at Ako

paano mo bibitawan ang isang bagay na buong buhay mo ng pinanghawakan?
paano ka magpapaalam sa isang taong buong buhay mo ng nakasama?
paano mo bubuuin ang sarili mo kung ang mismong bumuo sa pagkatao mo ang nawala?
paano mo tatanggapin ang katotohanang lahat ng pagkakataong magkasama kayo ay pahiram lang sayo?

magiging katulad pa rin ba ng dati kung may nagbago na?

at sa bawat paggising mo'y ramdam mong iba ang sikat ng araw para sa'yo..
paano nga ba muling gumising na parehong ngiti ang kukurba sa iyong labi?
paano ba magpatuloy kung sa isang iglap magiba ang lahat?
paano ba maging kumpleto kung may lumisan?
paano ba magpasalamat sa taong nagalis ng pinakaimportanteng tao sa buhay mo?
paano ba muling bumangon?

..kung nahulog kang sugatan at ang mismong taong inaasahan mong sumalo sa'yo ay kailan ma'y di ka na babalikan.

paano magpatuloy?

kung yung taong sa bawat pagdapa mo, siya ang tumulong sa'yo para muling tumayo..
yung taong sa bawat pagkanta mo, siya ang unang pumapalakpak..
yung taong sa bawat pagiyak mo, siya ang unang nagsasabing "tahan na"..
yung taongsa bawat pagtawa mo, siya ang unang napapangiti..
yung taong sa bawat pagtulog mo, siya ang huli mong nakikita..


ang mismong nawala?

sa unang hakbang mo, siya ang unang napatakip sa bibig at kinabahan na baka matumba ka..
sa unang pagbigkas mo ng salita, siya yung unang napaluha sa tuwa..
sa unang parangal na natanggap mo, siya yung unang nagsuot sa'yo..
sa unang beses na nagkaroon ka, siya yung unang nakaalam..


sa tuwing uuwi ka ng gabi, siya yung naghihintay para pagbuksan ka kahit madaling araw na..
sa tuwing lalabas ka, siya yung walang tigil na magtatanong kung nasaan ka na..
sa tuwing hindi ka makatulog, siya yung magtitimpla ng gatas mo habang sa kanya naman ay kape..
sa tuwing magkakasakit ka, siya yung hindi papasok sa trabaho para lang bantayan ka..


sa isang pagkakataong nakatulog ka, siya yung pumatay ng ilaw ng kwarto mo pagtapos kang kumutan..
sa isang pagkakataong nahimatay ka, siya yung napaiyak sa sobrang takot..
sa isang pagkakataong kailangan mong pumasok ng maaga, siya yung gumising sa'yo at naghatid sa eskwelahan..
sa isang pagkakataong naaagrabyado ka, siya yung makikipagaway para ipagtanggol ka..


siya yung pumilit sa'yo kumain ng ampalaya at okra, para lumakas ka..
siya yung pumalo sa'yo noong minsang nagkamali ka, para matuto ka..
siya yung nagbawal sa'yo magpaligaw, para pahalagaan ang pag-aaral mo..


ikaw yung.. humingi sa kanya, at kahit huling kagat nalang, binigay niya pa sa'yo.
ikaw yung.. hindi bumati ng "happy mother's day", pero hindi niya pinaalala.
ikaw yung.. mas piniling magkwento ng problema sa mga kaibigan kaysa sa kanya, pero inintindi niya.


"matulog ka naman.." ang sabi niya noong naglamay ka para sa exam.
"sige, basta magingat." ang sabi niya noong minsang nagpaalam ka para lumabas.
"ang vitamins mo ha.." ang sabi niya noong kailangan mong magpuyat.
"basta magpray ka lang palagi.." ang sabi niya noong nalulungkot ka.


kasabay ng taon ng paglaki mo, ay sabay ng taon ng pagtanda niya.
kasabay ng bawat araw na lumilipas, ay sabay ng pagdami ng hibla ng puting buhok sa kanyang anit.
kasabay ng pagdaan ng araw, buwan, at taon, ay sabay ng realidad na hindi lang kalabaw ang tumatanda.

paano kung kukunin na siya ng nagmamay-ari sa kanya?
paano bumitaw sa pagkapit?
at kung wala na, paano ibaba ang umaasa pa ring mga kamay na babalik ang dati?
paano ba lunukin ang realidad sa dikta ng panahon?

mananalo ka ba sa bilis ng oras?
matatalo mo ba ang pinakamakapangyarihan?
kung ang armas mo ay pagmamahal, may mangyayari ba?
kung luluhod ka at magmamakaawa ng isa pang pagkakataon, pagbibigyan ka ba?

gustuhin mo man ng isa pang pagkakataon para sa mga di nasabing salita at di natuloy na yakap,
gustuhin mo man ng isa pang araw na siya ang gigising sa'yo para magalmusal,
gustuhin mo man ng isa pang gabing siya muli ang magpapatay ng ilaw para sa'yo,
gustuhin mo man ng isa pang text na magsasabing umuwi ng maaga dahil marami ng loko-loko sa labas,
gustuhin mo man ng isa pang saglit na kwentuhan at kamustahan sa lamesa,
gustuhin mo man ng isa pang pagbati ng "happy birthday!" sabay ng isang matipid na ngiti,


hindi ka na mapagbibigyan.
dahil kailan man, hindi mo magagalaw ang normal na paglakad ng oras.

at kapag nag-alarm na, wala ng snooze.

No comments:

Post a Comment